Talambuhay ni Liwayway A. Arceo

Si Liwayway A. Arceo ay ipinanganak sa Manila noong ika 30 ng Enero 1924 mula sa kilalang pamilya ng mga manunulat. Ito ay  nakasulat ng 90 nobela, 2 libong mahigit na kuwento, 1 libong mahigit na sanaysay, 36 tomo ng iskrip sa radyo, 7 aklat ng salin, 3 iskrip sa telebisyon, at di-mabilang na kuntil-butil na lathalain sa halos lahat ng pangunahing publikasyong Tagalog o Filipino.

Nagsulat siya ng ilang nobela kabilang dito ang Canal de la Reian at Titser. Mayroon din siyang mga koleksiyon ng maiikling kuwento tulad ng "Ang Mag-Anak na Cruz, Mga Maria, Mga Eva at "Maybahay, Anak at iba pa". Ang kanyang kuwentong "Uhaw ang Tigang na Lupa" ay nanalo ng ikalawang gantimpala sa Pinakamabuting Maikling Likha noong 1943.

Kabilang sa mga pangunahing aklat ni Arceo ang sumusunod: 

  •  Maling Pook, Maling Panahon. . .Dito, Ngayon (1998); 
  • Mga Bathalang Putik (1998) 
  • Titser (1995) 
  • Canal de la Reina (1985) 
  • Ina, Maybahay, Anak at iba pa (1998) 
  • Mga Kuwento ng Pag-ibig (1997) 
  • Mga Maria, Mga Eva (1995) 
  • Ang Mag-anak na Cruz (1990) 
  • Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo (1992) 
  • Uhaw ang Tigang na Lupa at Iba pang Katha (1968).
Sumulat din ng biyograpikong nobela si Arceo at kabilang dito ang Ako. . . Si Clara (1990) na hinggil sa buhay ni Santa Clara ng Assissi; Claret, ang Misyonero (1988) na hinggil sa pundador ng Misyong Claretian; at Francisco ng Assissi na hinggil sa buhay ng pundador ng ordeng Fransiskano.

Mga tuluyang nobela 


Ilan sa tuluyang nobelang nalathala ni Arceo sa magasing Liwayway at sinubaybayan ng libo-libong mambabasa ang sumusunod: Tulad sa Bituin (1956); Topo-topo (1956-1957); Sa Abo ng Lumipas (1957); Hanggahan ng Pangarap (1957); Kung Sakali man at Salát (1958); Sa Habang Panahon (1957-1958); Huwad na Dambana (1957-1958); Mga Doktor sa Bukid (1959); Ikaw ay Akin (1962); Kung Saan Ka man Naroroon (1964); Lydia Ansaldo, M.D. (1964); Dalawang Kalbaryo (1964); Tatak ng Pagkakasala (1965); Kulay Rosas ang Pag-ibig (1964-965); Iba-ibang Kulay ng Pag-ibig (1966); Liza (1966); Isa ang Susuko (1966); Ang Panigbugho (1966); Hiram na Laya (1965-1966); Ipakipaglaban Mo Ako (1966-1967); Daigdig na Kristal (1967); Ginto sa Dulo ng Bahaghari (1967-1968); Minsan Lamang ang Gabi (1968); Ikaw ang Ilaw Ko (1968); Bahaghari sa Lupa (1969); Nagbabagang Paraiso (1969-1970); Sa Pinto ng Impiyerno (1970); Bawal na Paraiso (1971); Hanggang sa Kabila ng Langit (1972); Piitang Ginto (1972); Dalawang Daigdig (1973-1974); Saan man at Kailan man (1973); at Krus ang Aking Budhi (1976-1977).

Ang kakatwa ay malimit mapagkamalang pag-aari ni Arceo ang magasing Liwayway dahil ang pangalan niya ay "Liwayway" din. Bukod pa rito, naging mataas na pamantayan si Arceo bilang manunulat at editor ng nasabing magasin, na nakatulong nang malaki upang lumaki ang sirkulasyon nito at umabot sa halos kalahating milyong sipi kada linggo.

Ang iba pang tuluyang nobela na hindi binanggit dito ay nasa aklatan ngayon ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Inihabilin ni Arceo ang karamihan sa kaniyang antigong papeles, aklat, at memorabilya doon sa aklatan ng UP noong 28 Agosto 1993 at sa Ateneo Library of Women's Writing (ALIWW) noong 28 Nobyembre 1994. Ang iba pa niyang natitirang aklat at memorabilya ay nasa dating tahanan niya sa Project 6, Lungsod Quezon, at nakahanda para sa Liwayway A. Arceo Foundation na itinatag ng kaniyang anak na abogadong si Florante.
Mga nobeleta

Sumulat din ng maiikling nobela si Arceo at ilan dito ang kumita nang malaki, gaya ng Hanggang sa Kabila ng Langit (1991); Paano Kita Iiwan (1993); Ang Sabi ni Vic (1993); Si Dina, Si Rosauro, Si Demetria (1993); Laro ng Tadhana (1993); Buhayin Mo Po ang Anak Ko (1993); Isang Ina. . . Isang Anak (1993); Kahit Ikaw ang Huling Lalaki (1993); Gabing Payapa, Gabing Tahimik (1993); Huwad na Paraiso (1993).

Ang paglaganap ng nobeletang Filipino ang nagpagiba sa dati noong moog ng komiks. Itinaas ng gaya ng mga akda ni Arceo ang kalidad ng mga kuwento at nobelang pangkomiks, at hinatak ang mambabasa na magtuon sa bagong libangan: libro.

Dulang panradyo at pantelebisyon 


Si Liwayway Arceo ay kilala rin bilang isa sa pinakaunang nagsulat ng soap opera para sa radyo. Ang kanyang dramang "Ilaw ng Tahanan" ay inere sa DZRH, DZMP at DZPI mula Marso 1949 hanggang Hulyo 1958. Ilan pa sa kanyang mga naisulat na script ay ang Dely Magpayo, Ang Tangi kong Pag-Ibig at Kasaysayan ng mga Liham ni Tiya Dely. Siya rin ang bumuo ng Lovingly Yours, Helen na inere noong 1978. Bukod dito, sumulat din siya ng ilang script sa telebisyon ang Sangandaan at Damdamin na parehong tinagkilik ng publiko.

Ilan sa kanyang mga napalunan ay ang Carlos Palanca Memorial Award para sa isang maikling kuwento sa Filipino noong 1962, Gawad CCO for Literature Award noong 1993, honoris causa Doctorate in Humane Letters mula sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1991, Catholic Authors Award noong 1990 at Gawad Balagtas Life Achievement for Fiction noong 1998. Ang kanyang huling natanggap ay ang National Centennial Commission Award para sa kanyang mga kontribusyon sa larangan ng Panitikang Pilipino.

 Namatay siya noong 1999 sa edad na 75.

Comments

Popular posts from this blog

Basketball Hand Signals

Uhaw ang Tigang na Lupa- Liwayway A. Arceo

White Dots